MANILA, Philippines - Huwag tangkilikin ang mga buntis na manika na ibinebenta sa mga palengke at online.
Ito ang paalala ni Department of Health- National Capital Region Director Eduardo C. Janairo sa mga magulang dahil sa indikasyon umano ito na ipino-promote ang teenage pregnancy at sirain ang buhay ng isang kabataan sa pamamagitan ng maagang pagbubuntis.
Paliwanag ni Janairo, nangyayari ang emotional development ng isang bata na nasa edad lima hanggang walo kung kaya’t dapat lamang na bigyan sila ng makabuluhang laruan kung saan sila may matututunan.
Sinabi ni Janairo na ang pregnant doll na binebenta kung saan ay natatanggal ang tiyan ay isang anatomical presentation at pagpapakita ng pagluluwal ng isang sanggol.
Madali aniyang maimpluwensiyahan ng mga laruan ang mga bata kung kaya’t dapat na matiyak ng mga magulang na tamang nilalaro ng kanilang mga anak kabilang na ang toy figures, puppets, dolls o stuffed animals. Ang mga buntis na manika ay ipinagbawal na sa Amerika noong 2002 bunsod na rin ng mga reklamo.