MANILA, Philippines - Inatado nang saksak ng apat na kawatan ang isang 67-anyos na lola matapos na manlaban ito sa ginagawang pagnanakaw sa kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Tigaon, Camarines Sur.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima na nakilalang si Juana Batalon, dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, na posibleng naganap ang krimen sa pagitan ng alas-10:30 hanggang alas-11:30 ng gabi sa loob ng bahay.
Sa teorya ng mga imbestigador posibleng naalimpungatan ang matanda na napasigaw nang maaktuhan ang mga suspek na nagnanakaw.
Ang biktima ay natagpuan ng mga anak nito na duguang nakahandusay kaya’t agad nila itong isinugod sa ospital, subalit namatay ito sa daan pa lamang.
Sa pahayag ng ilang mga kapitbahay ng biktima na napansin nila ang apat na lalaki na tumatalilis sa bahay, subalit hindi nila ito namukhaan dahil sa madilim ang paligid.
Sa teorya pa ng pulisya na posibleng kakilala ng biktima ang ilan sa mga suspek dahilan alam ng mga ito ang pasikutsikot sa bahay.
Walang nawawalang kagamitan maliban sa pera ng biktima.