MANILA, Philippines - Agad na binati kahapon ng Pangulong Benigno Aquino III si Nonito Donaire Jr. sa kanyang panalo at matagumpay na maidepensa ang kanyang WBO superbantamweight belt laban kay Jorge Arce ng Mexico.
“Sampu ng sambayanang Pilipino, buong-karangalan nating binabati si Nonito Donaire, Jr. sa kaniyang matagumpay na pagdepensa sa kaniyang WBO super bantamweight belt sa pamamagitan ng third round Knockout laban kay Jorge Arce ng Mexico,” ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Wika pa ni Sec. Lacierda, muli na namang ipinakita ng the Filipino Flash ang kaniyang bilis at husay sa loob ng ring at ibinandila sa pandaigdigang entablado ang tibay at lakas ng Pilipino.
“Sumasalamin ang tagumpay na ito sa kakayahan ng lahing kayumanggi na harapin at patumbahin ang anumang pagsubok na ating kakaharapin. Walang suntok na titinag sa atin; walang bigwas na wawasak sa kalooban natin. Anumang pagsubok ay lalo lamang magpapatatag sa kolektibo nating hangad na bigyang-karangalan ang bayan,” giit pa ng tagapagsalita ni Pangulong Aquino.
Pinabagsak ni Donaire sa 3rd round ng kanilang laban si Arce kahapon kaya naidepensa nito ang kanyang WBO bantamweight belt.