MANILA, Philippines - Sumentro sa kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill ang naging sermon sa mga Simbahan kasunod nang pagsisimula nang tradisyunal na Simbang Gabi kahapon.
Nagpalabas ng pastoral letter ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at nag-anunsiyo rin ng mensahe si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle hinggil sa RH bill na siyang binasa sa ginanap na mga banal na misa.
Sa pastoral letter na nilagdaan ni CBCP Vice President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, sinabi nito na ang ‘Contraception’ ay ‘korapsyon.’
Muli ring iginiit ni Villegas ang paninindigan ng Simbahan ukol sa kurapsyong magagawa ng panukalang batas.
Ayon kay Villegas, puro mapapakong pangako lamang ang RH bill tulad ng sinasabing pag-unlad ng mga mahihirap kapag naisabatas ito.
Hindi rin aniya daan ang RH bill upang makaahon sa kahirapan at pagdurusa ang mga mahihirap dahil ang kailangan ng mga ito ay edukasyon, mas maaayos na pagamutan at pagbabawas ng kurapsiyon sa pamahalaan.
Mariin rin namang binatikos ni Villegas ang isang bahagi ng panukala kung saan mistulang pinaniniwala nito ang mga kabataan na katanggap-tanggap ang pakikipagtalik bago ang kasal basta’t alam mo ang tamang paraan upang hindi magbuntis.
Iginiit pa ni Villegas sa pastoral letter na malaking banta sa moral ng bansa kung tuluyang maisasabatas ang RH bill sa kasalukuyan nitong porma.
Kaugnay nito, pinasalamatan din ng CBCP ang 104 mambabatas na bumoto kontra sa panukala at nanawagan sa 64 na kongresistang hindi pa nakakaboto na hanapin at manindigan sa katotohanan.
Samantala, sa mensahe naman ni Tagle para sa simbang gabi, hinimok nito ang mga mambabatas na buksan ang kanilang mga puso at sundin ang karunungang mula sa Panginoon.
Bagamat maraming mambabatas ang nagsasabing bumoto sila sa RH bill gamit ang kanilang kunsensiya bilang gabay, iginiit naman ng Cardinal na ang karunungan ng Diyos ay kailangang bahagi ng naturang kunsensiya.
Nanawagan rin siya sa mga Katoliko sa Archdiocese ng Maynila na kumpletuhin ang kanilang kaligayahan sa pamamagitan nang pagtalikod sa mga bagay na taliwas sa Salita ng Panginoon at buong pusong sundin ang utos ng Diyos.
Ang siyam na araw na Simbang Gabi ay simbolikong pagsama ng mga Katoliko sa Birheng Maria sa kanyang siyam na buwang paghahanda sa pagsilang ni Hesus.