Mag-asawa pisak sa tanker

MANILA, Philippines - Pisak ang katawan ng mag-asawa matapos na ak­sidenteng mabundol ng tanker ang sinasakyan ni­lang motorsiklo sa Commonwealth Avenue, Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mag-asa­wang biktima na sina Moises Caneba Jr., 45, mason at misis na si Leonida, 48, residente sa #10 Laura St., Purok 5, Old Balara sa lung­sod.

Kasong reckless imprudence resulting damage to property with multiple homicide ang kinakaharap naman   ng driver ng tanker na si Teudy Gallaza, 44, may-asawa ng #2601 H7 Jesus St., Pandacan, Manila.

Ayon kay PO3 Perlito L. Datu ng Quezon City Traffic Sector 3, nangyari ang insidente sa Elliptical Road, corner Commonwealth Ave­nue, harap ng Philippine Coconut Autho­rity, Barangay Old Balara site, ganap na alas-5:45 ng hapon.

Ayon sa report sakay ang mag-asawa ng isang motorsiklo na minamaneho ni Moises habang backrider naman si Leonida at patungo sa Eliptical Road, galing sa Commonwealth Avenue nang makasalubong nila ang tanker.

Sa inisyal report, sinasabing kapwa mabilis ang takbo ng motorsiklo at tanker kaya tumimbuwang ang mag-asawa at pumailalim sa tanker at kapwa masagasaan.

Agad naman tinulungan ng mga taong nakasaksi sa insidente ang mag-asawa at mabilis na isinugod sa Malvar General Hospital pero sa kalsada pa lamang ay kapwa nalagutan na ng hininga. –with trainee Carmela Isabelle C. Dionisio

 

Show comments