MANILA, Philippines - Ibinuking ng ilang importer ang umano’y raket ng ilang tiwaling empleyado ng BOC-Subic na nanghingi ng malaking kontribusyon para sa isang magarbong Christmas Party na taliwas sa panawagan ng Pangulong Nonoy Aquino at Customs Commissioner Ruffy Biazon na gawing simple ang pagdaraos ng party dahil sa nagdaang kalamidad sa Mindanao. Ayon sa ilang importer sa pangunguna ni Bert dela Cruz, nanghihingi umano ang ilan sa opisyal ng BOC-Subic ng P100,000 bilang kontribusyon sa Christmas Party.
Isa umanong alyas “Ong” ang lider ng grupo na nakatalaga sa Revenue Collection Monitoring Group (RCMG), isang alyas “Diego” at alyas “Julius” na naka-assign sa BOC-Subic ang humihingi umano ng kota na P100,000 bawat importer.
Inakusahan din ng mga importer ang RCMG na sa halip manghuli ng mga ismagler ay nanghihingi ng P6,000 sa bawat truck unit at P15,000 hanggang 60,000 sa bawat heavy equipment na kapag hindi nagbigay ay inaalerto ang mga kargamento kahit nagbabayad ng wastong buwis.
Hinihiling ng mga importer kay Comm. Biazon na imbestigahan ang kanilang reklamo.