MANILA, Philippines - Arestado sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang bumbero na sinasabing nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot sa General Santos City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nahuling suspek na si FO3 Luisito C. Motong, 50 anyos ng Sampaguita Street, Barrio Bla’an, Barangay Labangal, General Santos City at aktibong fire officer ng General Santos City Fire Station.
Nahuli si Motong habang nagbebenta ng shabu sa isang miyembro ng PDEA na umaktong poseur buyer ng shabu sa may Oval Gym, na nasa likod lamang ng Bureau of Fire Protection Station, sa Santol Street, Barangay Dadiangas North, General Santos City ganap na alas-8:30 ng gabi.
Binigyang diin ni Cacdac na malaking batik sa hanay ng BFP ang ginawa ni Motong na sa halip na sunog ang apulain ay apoy sa pagpapakalat ng shabu sa kanilang lugar ang inaatupag . Si Motong ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II, ng Republic Act 9165, habang nakapiit sa PDEA Region 12. – Angie dela Cruz –
2 obrero tigok sa kuryente
Tigok ang dalang manggagawa makaraang aksidenteng makuryente habang nagkukumpuni ng koneksyon ng elektrisidad sa Brgy. Leong, Cabatuan, Iloilo kamakalawa ng hapon. Kinilala ang dalawang biktima na sina Rogelio Arcena, 71-anyos at Francisco Pacifico, 27 taong gulang, naninirahan rin sa nasabing lugar.
Sa ulat ng tanggapan ni Iloilo Provincial Police Office Dir. P/Sr. Supt. Gil Blando Lebin, naganap ang insidente bandang alas-2:00 ng hapon habang ang dalawang biktima ay abala sa pagkukumpuni ng koneksyon ng kuryente para sa pagdaraos ng fiesta sa kanilang lugar.
Kasalukuyang nagwe-welding si Arcena nang mapadikit sa live wire ang kanyang katawan at nangisay na mabilis naman sinaklolohan ni Pacifico pero siya man ay nakuryente dahil pareho silang basa sa pawis.