Mga nasawi kay Pablo aabot sa 2,000… evacuees nababaliw na
MANILA, Philippines - Dumaranas ng matinding depresyon at nawawala na rin sa katinuan ang mga biktima ng bagyong Pablo sa lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental.
Ito ang sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, na ang matinding dagok at trauma na tumama sa mga residenteng nawalan ng mga ari-arian at namatayan ng mga mahal sa buhay ang dahilan ng mga depresyon.
Kaya’t umaksyon na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nasa 31 man team ang nagsisilbing mga stress debriefers at evacuations managers na ipinadala sa Davao Oriental at Compostella Valley.
Ang mga ito ay idineploy sa Baganga, Boston, Cateel; pawang mga bayan sa Davao Oriental na matinding sinalanta ng bagyong Pablo; New Bataan at Monkayo, sa Compostela Valley na siyang may pinakamataas na bilang ng mga evacuees na umaabot sa mahigit 800 katao.
Sa Compostela Valley ay nasa 9 ang isinasailalim sa stress debriefing habang sa Davao Oriental ay nasa anim na evacuees o kabuuang 15 katao.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 906 katao ang nasawi sa bagyo habang aabot rin sa 932 ang nawawala kaya’t posibleng umabot sa mahigit 2,000 ang nasawi, habang 2,660 ang sugatan at nasa 202,068 pamilya na may katumbas na 854,984 katao ang naapektuhan ng kalamidad.
Magugunita na sa ilang mga evacuees rin na biktima ng hagupit ng bagyong Sendong noong Disyembre 2011 ang nasiraan ng bait o nabaliw sanhi ng dinanas na depresyon at trauma.
- Latest