2 sundalo, 2 NPA rebels nasawi sa bakbakan

MANILA, Philippines - Muling nagkaeng­kwentro ang mga tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kahapon ng umaga sa isang liblib na lugar sa Brgy. San Agustin, Isabela, Negros Occidental na ikinasawi ng 2 sundalo at 2 NPA rebels.

Ayon kay Captain Ana­­cito Naz, spokesman ng Army’s 302nd Brigade, bandang alas-8:00 ng umaga nang makasagupa ng Alpha Company ang grupo ng mga rebelde sa nasabing lugar habang nagsasagawa ng security patrol.

Kaagad na nagpalitan ng putok ang magkabilang panig na tumagal ng mahigit 3 oras na ikinasawi ng dalawang sundalo na tumanggi munang tukuyin ng opisyal ang pangalan.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang apat na nasugatang sundalo para malapatan ng lunas.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na rebelde na narekober ang bangkay sa encounter site habang pinaniniwalaang namang marami pa ang sugatan sa panig ng mga nagsitakas na kalaban.

 

Show comments