Nagretiro na lang… Alok ni P-noy ibinasura ni Gen. Bartolome
MANILA, Philippines - Sa halip na tanggapin ang inaalok ng Malacañang na “non duty status” ay mas pinili na lamang ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Nicanor Bartolome na magretiro nang maaga matapos ang may 37 taong serbisyo publiko.
Sa ginanap na press conference sa Camp Crame, inianunsyo ni Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas II na pormal ng isasalin ni Bartolome ang kapangyarihan kay Deputy Director Alan Purisima sa gaganaping turnover ceremony sa Disyembre 18 sa susunod na linggo.
Si Purisima, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1981, kasalukuyang Directorial Staff ng liderato ng PNP ang napisil ni Pangulong Benigno Aquino III na pumalit kay Bartolome ng PMA Class 1980.
Una nang inihayag ng Palasyo ng Malacañang na mapipilitan silang ilagay sa “non duty status” si Bartolome kapag hindi ito nagretiro ng maaga sa serbisyo upang mabigyang daan ang pagtututok sa SAFE (Secured and Fair Elections) kaugnay ng midterm elections sa Mayo 2013.
Sa darating na Marso 16 pa dapat na magreretiro si Bartolome sa serbisyo pagsapit ng kaniyang ika-56 taong kaarawan, subalit kinailangang magsakripisyo para lumisan ng maaga sa serbisyo dahilan sa election ban pagsapit ng campaign period sa darating na Pebrero sa susunod na taon.
Samantala, pormal nang itinalaga ni Roxas bilang bagong PNP chief si Purisima bunsod ng maagang pagreretiro ni Bartolome.
“We thank General Bartolome for his statesmanship. As you all know, his term officially ends in March of next year. But knowing that March will be in the middle of the election period, he has voluntarily agreed to step down earlier so that this transition can happen with a full five or almost six months between the incoming PNP taking on the job and the coming elections,” sabi ni Roxas.
Dagdag ng kalihim, ang desisyon umano ni Bartolome ay dapat na panatilihing matatag at pagkakaisa sa hanay ng PNP at sa chain of command.
- Latest