MANILA, Philippines - Kung noon kapag umuuwi ng Pilipinas si Pambansang Kamao matapos ang kanyang laban sa Las Vegas, Nevada ay ugali na nito na dumidiretso sa Quiapo Church para magsimba na hindi nangyari kahapon.
Ayon sa mga taong nag-aabang, doon na lamang nila inaabangan ang idolong si Pacman sa tuwing uuwi ito ng bansa matapos ang laban subalit hindi nila ito nasilayan.
Nabatid na mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay dumiretso na sa Midas Hotel si Pacquiao at abala pa umano ito dahil may show na naka-schedule sa Mall of Asia kahapon ng alas-3:00 ng hapon.
Matatandaang matapos matalo sa naging rematch kay Mexican boxer Juan Miguel Marquez ay umani siya ng iba’t ibang komento lalo na sa mga Pinoy at mismong inang si Dionisia Pacquiao, na nagsabing ang pagpapalit nito ng relihiyon, pagbitbit ng rosaryo hanggang sa ring at pagku-krus na ritwal bago ang laban ay iniwan na nito.