Rocket launch ng NoKor bumagsak na sa Pinas
MANILA, Philippines - Bumagsak na sa hurisdiksyon ng bansa (Philippine area of responsibility) sa bahagi ng Pacific Ocean ang debris matapos na maglunsad ng rocket sa himpapawid ang North Korea (NoKor) kahapon ng umaga.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, kasalukuyan ng beneberipika ang lugar na binagsakan ng debris ng rocket sa karagatan.
Ayon kay Ramos, base sa inisyal na ulat bandang alas-8:45 ng umaga o 20 minuto matapos itong ilunsad sa himpapawid kahapon ay bumulusok na may 300 kilometro sa bahagi ng karagatan sa hilagang Luzon na nasasakupan ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ang debris ng nasabing satellite.
Gayunman, ayon kay Ramos ay kasalukuyan pang nagsasagawa ng beripikasyon ang NDRRMC kung nagkapirapiraso o buo pa ang bumagsak na debris ng rocket.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakikiisa ang Pilipinas sa pagkondena sa ginawa ng NoKor matapos ang rocket launch nito.
“The DPRK is in clear violation of UN Security Council Resolutions 1695 (2006), 1874 (2009) and 1718 (2006), which explicitly demanded DPRK not to use or conduct any launch using ballistic missile technology and the suspension of its ballistic missile programme,” nakasaad pa sa statement ni Sec. Lacierda. – Joy Cantos, Ellen Fernando, Rudy Andal –
- Latest