MANILA, Philippines - Libreng mapapanood sa labing-apat na magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City ang pang-apat na pagtutuos sa ibabaw ng lona nina Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao at Juan Manuel Marquez ng Mexico sa darating na Linggo (Dec. 9).
Ang libreng palabas na ito sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod ay handog nina Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri.
Kabilang sa mga pagdarausan ng libreng palabas ang Victory Mall, Monumento; Barangay 144 Covered Court; Barangay 152 Macaneneng Covered Court; Barangay 163 Sta. Quiteria Elementary School; Barangay 166 Caybiga Covered Court; Barangay 168 Deparo Covered Court; Barangay 171 Bagumbong High School; Barangay 174 Camarin High School; Barangay 176 Phase 1 Covered Court; Barangay 176 Phase 7 Pag-Asa Elementary School; Barangay 176 Phase 10 Kalayaan High School; Barangay 178 Camarin D Elementary School; Barangay 179 Amparo Covered Court at Barangay 187 at 188 Glorietta Covered Court.
Upang maiwasan din ang pagkakagulo sa pagpasok sa mga venue ng laban ni Pacquiao ay mamimigay ng libreng ticket ang lokal na pamahalaan sa mga residenteng nais na manood sa laban.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga residente sa kanilang mga opisyal ng barangay upang makakuha ng libreng ticket o kaya’y magtungo sa main city hall at annex para makakuha ng libreng passes.
Sa Maynila din ay muling mapapanood ng libre ang laban ng dalawa nang live sa iba’t ibang sports complex sa Maynila.
Nabatid kay Chief of Staff at Media Bureau Chief Ric de Guzman ni Mayor Alfedo Lim, na ang telecast ng boxing fight ay mapapanood sa Tondo Sports Complex (near Sto. Niño De Tondo Church) District I, Patricia Sports Complex (Flora Street, Gagalangin, Tondo) District II, Rasac Covered Court (Alvarez Street corner Rizal Avenue) District III, Dapitan Sports Complex (Instruccion Street, Sampaloc) District IV, San Andres Sports Complex (San Andres Street, Malate) District V at Teresa Covered Court (Teresa Street, Sta. Mesa) District VI.
Magpapamahagi ng mga complimentary tickets ang mga residente at papasukin sa pamamagitan ng first come first served basis sa pamamagitan ng mga barangay officials na mangangasiwa sa lugar.