MANILA, Philippines - Tatlong hinihinalang holdaper ang napatay sa naganap na shootout matapos tangkain ng mga ito na holdapin ang isang sangay ng Western Union kahapon ng umaga sa Dasmariñas City, Cavite.
Isa sa mga napatay na holdaper ay nakilalang si Reynaldo Oferania habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pa.
Sa ulat na nakarating kay Police Regional Office (PRO) 4 A Director Chief Supt. James Melad bandang alas-8:15 ng umaga nang maharang ng mga elemento ng Provincial Intelligence Branch ng Cavite Police ang mga suspek na planong holdapin ang Western Union sa Brgy. Luzviminda II sa nasabing lungsod.
Bago naganap ang shootout ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na may hoholdaping establisyemento sa lugar ang mga suspek na magkakaangkas sa motorsiklo.
Kaya’t nagpatrulya sa lugar ang mga otoridad hanggang sa makita ang mga kalalakihan na magkakaangkas sa kulay itim na motorsiklo na kahinahinalang umiikot sa palibot ng Western Union.
Nang sisitahin nang papalapit na mga otoridad ay bigla na lamang umanong nagpaputok ang mga suspek na nagbunsod sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng putukan ay tinamaan ang mga suspek na namatay noon din. – Joy Cantos, Cristina Timbang –