MANILA, Philippines - Sa mismong opisina ng barangay hall winakasan ng isang chairman ang buhay matapos itong magbaril sa sentido kahapon ng umaga sa Brgy. Liboton, Naga City, Camarines Sur.
Ang biktima ay nakilalang si Brgy. Chairman Alex Nero, 45-anyos, pangulo ng Association of Brgy. Chairman (ABC) President at residente ng Manga St., ng nasabing barangay.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, bandang alas-6:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa likuran ng mesa sa upisina nito na may hawak pang cal. 45 pistol sa kaniyang kanang kamay.
Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) team, ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang kanang sentido na siya nitong ikinasawi.
Bago ang insidente ay ilang araw na umanong walang kibo na tila may malalim na iniisip ang biktima.
Narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala ng cal . 45 pistol at ang suicide note ng biktima sa ilalim ng drawer ng mesa nito na nagsasaad ng nais na niyang wakasan ang kaniyang buhay.