Sundalo lasog sa bomba ng Abu

MANILA, Philippines - Isang sundalo ang na­sawi habang isa ang grabeng nasugatan matapos silang masabugan ng improvised na bomba na itinanim ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Ungkaya Pukan, Basilan kamakalawa.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas ang biktimang si Corporal Mark Dandin Gomez, matapos masapul sa pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED).

Nilalapatan naman ng lunas sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City  ang kasamahan nitong si PFC John Garde.

Batay sa ulat, bandang alas-7:50 ng umaga habang nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng Army’s 3rd Scout Ranger Company sa circumferential road ng Brgy. Cabangalan, Ungkaya Pukan, Basilan nang sumabog ang bomba na ginamitan ng cell phone bilang trigge­ring device.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang nagkapirapirasong mortar at nawasak na bahagi ng cellphone na ginamit sa pambobomba.

 

 

Show comments