Pumatay sa 3 kawani ng DPWH, tiklo
MANILA, Philippines - Nadakip kahapon ng pulisya ang pangunahing suspek sa pamamaril at pagpatay sa tatlong kawani ng Department of Public Works and Highway (DPWH) at pagkasugat ng apat na iba pa noong Biyernes ng gabi sa Mulanay, Quezon matapos na magpalabas ng P200,000 reward money.
Ayon kay Chief Superintendent James Melad, Calabarzon police director, na ang suspek na kinilalang si Rommel Rocete ay naaresto ng operatiba ng Quezon police sa Barangay 3, sa nasabing bayan.
Nasamsam sa suspek ang kalibre .45 baril na ginamit nito sa pamamaril sa mga biktima matapos na maaresto dakong alas-8:15 ng umaga sa kanyang hideout.
Ayon pa kay Melad, na si Rocete, ay isang dating martial art instructor ng Police Institute Training Group sa Quezon, ay positibong kinilala ng dalawang saksi na bumaril at nakapatay sa mga biktimang sina Roland Monterey, 28; Jason Rodelas, 23; at Celso Red, 24, at pagkasugat kina Zaldy Prado, 22; Leovino de Galicia, 44; Abraham Almero, 42; at Menardo Abella, 22.
Kinukunsidera ng pulisya na sarado na ang kaso matapos umamin si Rocete sa krimen.
Nabatid na lasing si Rocete ng mga oras na iyon at nainis ito sa pagparada ng sasakyan ng mga biktima na Mitsubishi L-300 van (SFA-586) na hindi pinatay ang kanilang headlights dahil sa bibili lang ang mga ito ng sigarilyo sa isang tindahan.
Tumakas ang suspek na sakay ng kanyang motorsiklo at nagtago ng apat na araw sa Barangay 3 hanggang sa ito ay maaresto kahapon matapos ituro ng tipster.
- Latest