MANILA, Philippines - Malaya na naibebenta sa Divisoria ang mga Christmas lights na bagsak ang pamantayan sa mga bansang Europa dahil sa panganib nito sa kalusugan.
Ito ang inihayag ni Anthony Dizon, coordinator ng EcoWaste Coalition matapos silang makabili ng Christmas lights noong Nobyembre 22 na isinailalim nila sa pagsusuri.
Sa limang sampol, natuklasan na lagpas sa 1,000 parts per million (ppm) limit ang sangkap na lead nito na bagsak sa pamantayan ng RoHS ng European Union at dalawa naman sa mga sampol ang may sangkap na cadimum na higit sa 100 ppm limit.
Wala ring label ng mga kemikal sa naturang mga produkto na dapat ay magsisilbing babala sa mga mamimili na nakasasama sa kalusugan lalo na sa mga bata kung paglalaruan at maisusubo ang kamay na humawak sa Christmas lights.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Zenaida Maglaya na dapat ay bilhin ang mga produktong pumasa sa International Commodity Clearance (ICC) standards.