MANILA, Philippines - Utas ang dating barangay kagawad matapos na barilin sa ulo ng dalawang lalaki na riding’in-tandem, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Isinugod pa ngunit hindi na umabot ng buhay sa Manila Central University (MCU) dahil sa tama ng bala sa ulo ang biktimang si Epifanio Calalang, 48-anyos, ng Roman Street, Encarnacio Subdivision, Niugan, ng naturang lungsod.
Sugatan naman ang isa sa mga salarin na nakilalang si Eleazar Gallega, ng Dulong Hernandez Street, Brgy. Catmon, makaraang mabaril ng mga rumespondeng pulis. Isinugod ito sa Tondo Medical Center habang nakatakas naman ang kasamahan nito na nakilala sa alyas “Joel”.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-9:20 kamakalawa ng gabi sa harap ng tindahan ng biktima. Katatapos lamang makipag-inuman ng biktima at nagpapahangin nang dumating ang mga suspek at agad na binaril sa ulo.
Agad namang naialarma ang pangyayari sa nakaantabay na magkasanib na puwersa ng pulis at barangay tanod na mabilis na rumesponde at nasabat ang papatakas na mga salarin.
Nakipagbarilan umano ang suspek na si Gallega na angkas ng motor ngunit tinamaan ng mga pulis at malaglag sa motor. Hindi naman ito hinintuan ng kasamahan na pinaharurot ang sasakyan sa kanyang pagtakas.