Bangkay ng 2 Korean divers, iaahon
MANILA, Philippines - Pinagsisikapan ngayon ng mga tauhan Philippine Navy na maiahon ang bangkay ng dalawang Korean divers na natagpuan matapos maipit sa isang kuweba sa malalim na bahagi ng karagatan sa Maricaban Island, Batangas.
Kinumpirma kahapon ni Philippine Navy Spokesman Lt. Col. Omar Tonsay na ang mga bangkay ay ang mga Korean divers na naunang napaulat na nawawala ay sina Kim Jun Ho, 45 anyos at Bae Jiun, 34 taong gulang.
Sinabi ni Tonsay na ang mga bangkay ay naispatan ng Philippine Navy frogmen kahapon na nagsasagawa ng search and retrieval operation sa lalim na 190 talampakan sa loob ng isang kuweba sa ilalim ng dagat.
“Medyo mahirap iahon , dahil kailangan muna tanggalan ng dive gears, tapos isa-isa ilabas para magkasya sa entrance ng kuweba,” ani Tonsay. Magugunita na noong Martes ay nagsagawa ng diving sa karagatan ng Brgy. Mapating, Maricaban Island ang dalawang Koreano kasama ang ilan pang mga kapwa divers pero nabigong makaahon ang dalawa hanggang sa maispatan ang bangkay ng mga ito kamakalawa sa malalim na bahagi ng karagatan.
- Latest