MANILA, Philippines - Dahil sa may hinala ang isang among babae na kasabwat ng kanyang katulong ang isang miyembro ng “Dugo-dugo” gang nang ibigay nito ang may isang milyong halaga ng pera at mga alahas kaya’t ito ay ipinaaresto sa mga pulis.
Pinipigil ngayon sa Manila Police District-Theft and Robbery Section (MPD-TRS) ang katulong na si Estrella Castillo, 44, ng Dasmariñas, Cavite, stay-in sa Unit 901 Echelon Tower Mabini St., Malate.
Ayon kay PO2 Jupiter Tajonera, dawit bilang accomplice sa kaso si Castillo dahil sa pakikipagtransaksiyon at pagbibigay ng pera at alahas ng kanyang among si Carissa Gel sa isang suspek na miyembro ng nasabing grupo.
Duda umano ang pulisya sa pahayag ni Castillo na hindi niya alam ang kanyang ginawa lalo pa at hindi na siya menor de edad upang magkamali.
Paliwanag ng maid, may tumawag sa kanya at sinabing nasa presinto ang kanyang amo nakaaksidente at kailangan ng pera.
Nakausap umano nito ang amo at inutusan siyang kunin ang pera sa vault, saka dalhin sa Ospital ng Tondo.
Pinapalitan din aniya ang kanyang SIM card ng Globe para maging maayos ang kanilang transaksiyon ngunit pagdating niya sa nabanggit na ospital ay pinapunta naman daw siya sa harap ng simbahan ng kung saan siya sinalubong ng isang lalaki.
Pagkakuha sa kanya ng mga alahas at salapi na ibinalot sa makapal na tela ay sinabihan siya ng lalaki na maghintay doon, subalit makaraan ang kalahating oras ay sinabihan daw siya ng lalaki na umuwi na at susunod na ang kanyang amo.
Pagdating ni Gel sa bahay ay nagulat ito at nagkalat ang kanilang gamit kaya nang dumating ang katulong ay agad niyang ipinadampot sa pulis.