MANILA, Philippines - Iniulat ni Foreign Affairs Spokesman Asec. Raul Hernandez, na isang 26-anyos na turistang Pinay ang nasawi habang dalawang kasama nito ang nakaligtas matapos na salpukin ng isang ambulansiya ang kanilang sasakyan.
Tumanggi muna si Hernandez na tukuyin ang pangalan ng biktima hanggat hindi pa ito nakarating sa kanyang pamilya at kaanak sa Pilipinas.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas, umalis sa Pilipinas ang tatlong magkakasamang biktima at namasyal sa Bangkok noong Nobyembre 21 hanggang sa magkayayaan silang pumasyal sa bayan ng Siem Reap na dinadagsa ng mga turista noong Sabado, (Nobyembre 24) kung saan naganap ang banggaan.
Nabatid na lulan ang tatlong Pinoy tourist ng isang sasakyan pauwi na sa Bangkok mula sa pamamasyal sa Siem Reap nang biglang tumigil ang unahang sasakyan na kanilang sinusundan kaya sinubukang ikabig ng driver ang manibela papunta sa kabilang lane upang iwasan na mabangga ito.
Dahil sa pag-iwas ng sasakyan, hindi na rin nito nagawa pang umiwas sa isa pang humaharurot na ambulansya na naging sanhi para sila ay mabangga.