MANILA, Philippines - Sa loob mismo ng Quezon City Hall of Justice ginulpi ng isang ahente ng National Bureau of Investigation ang isang piskal kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Assistant City Prosecutor Benjamin Samson, ang sumuntok sa kanyang mukha ay isa sa 10 kalalakihan na nagpunta sa hall of justice ng alas-11:00 ng gabi.
Bago ang insidente, nagtungo ang grupo ng mga NBI sa hall of justice na may kasamang mga kalalakihang suspek para isasailalim sa inquest proceedings sa hindi pa malamang kaso.
Dito ay sinabihan ng mga NBI agents ang security guards na walang naka-duty na prosecutor.
Tiyempo namang sa oras na nabanggit ay dumating si Samson para kunin ang kanyang ticket na naiwan para sa kanyang naka-scheduled na flight.
Nagpakilala ang mga ahente kay Samson na mayroon silang isasailalim sa inquest.
Subalit, ipinaliwanag ni Samson na ang palitan ng inquest fiscal sa gabi ay mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-11:00 ng gabi lamang na ikinainis ng isang ahente at ginulpi.
Inilarawan ni Samson ang ahente na gumulpi sa kanya na may kalakihan ang pangangatawan, na nasa 5’7” ang taas, nasa edad 30, at may kaitiman ang balat.
Pinaikutan naman ng iba pang ahente ng NBI ang tatlong security guards ng gusali at pagkatapos ay umalis ang mga ito sa sakay ng kanilang tatlong sasakyan. Naplakahan ang tatlong sasakyan na ang isa ay BEG-961; TSM-777 at ang ikatlo ay may markang “Security Management Division NBI.”