MANILA, Philippines - Gagawin nang legal sa Olongapo City ang paglalako ng paninda ng mga street vendor sa paligid ng East Bajac Bajac (EBB) public market simula sa Disyembre 1.
Ito ay matapos maisaayos kamakailan ng pamahalaang lokal ang itinalagang paglalagyan sa mga vendor sa mismo ring palengke kung saan hindi na magsisilbing sagabal sa mga mamimili at dumadaan na mga sasakyan.
Ayon kay Dr. Arnold Lopez, public market administrator, tugon ito sa nais ni Mayor James “Bong’’ Gordon, Jr. na malayang makapaghanapbuhay at magkaroon ng patas na oportunidad ang maliliit na negosyo sa lungsod.
Aniya, pangkalahatang pakinabang ng publiko ang nagbunsod sa Gordon administration na makaisip ng paraan upang maresolba ang problema ng illegal market vendors.
Sa pamamagitan nito ay matitigil na ang reklamo ng mga konsumer at mga residente sa pagsisikip ng mga kalyeng nakapaligid sa naturang pamilihan na sanhi ng malaking abala sa kanila gayundin sa mga sasakyang gumagamit sa mga ito.
Ikinatuwa naman ng mga market vendors ang solusyon na ipatutupad ng city hall.