Dadalaw sa kaanak na nakakulong… Mag-ina tinodas, preso nagbigti

MANILA, Philippines - Kapwa namatay noon din ang isang mag-ina nang ito ay pagtata­gain ng isang naburyong na preso na nagpakamatay din sa pamamagitan ng pagbigti sa compound ng provincial jail sa bayan ng Mi­lag­ros, Masbate.

Ang mag-ina na  nagtamo ng mga tama ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang sina Tessie Basical Lucado, 50 at anak nitong si Jayson Lucado, 15; mga residente ng Brgy. Tugbo, Masbate.

Nasugatan naman at isinugod sa ospital ang isang preso na si Rommel Buhia nang ito ay tagain din ng suspek na si Rey Esparraguera, 33, ng bayan ng Palanas.

Nagpakamatay naman ang suspek kahapon ng umaga sa pamamagitan nang pagbibigti sa loob ng kanyang selda.

Batay sa ulat, bago naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng hapon noong Linggo ay nagtungo ang mag-ina sa nasabing provincial jail na matatagpuan sa Brgy. Matiporon para dalawin ang isang kaanak na nakakulong.

Habang naglalakad ang mag-ina ay bigla na lamang silang sinugod ng suspek at walang habas na pinagtataga maging ang presong si Buhia.

Nagresponde ang mga jailguard at nakorner ang suspek  na nakumpiskahan ng isang 22 pulgadang itak.

Kinaumagahan ay nakita ng mga jailguard ang suspek na nakabigti sa loob ng kanyang selda.

Patuloy ang imbestigasyon kung paanong  naipasok ang nasabing itak sa compound ng piitan.

Pinaniniwalaan namang naburyong ang suspek dahil sa umano’y walang kaanak na dumadalaw dito.

Show comments