MANILA, Philippines - Tatlong bata ang nasawi matapos na matupok sa nasusunog nilang bahay kamakalawa ng gabi sa Vincent St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ang mga nasawi ay ang magkapatid na sina Danzil, 4-anyos at Daniela Mercado, 7-anyos at kapitbahay nilang si CJ Tubo, 9-anyos ng nasabing lugar.
Batay sa ulat, pasado alas-11:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa bahay ni Danilo Mercado, matapos niyang iwan ang kandila habang natutulog ang dalawa niyang anak para bumili sa tindahan at mag-duty bilang barangay tanod habang ang misis niya na buntis ay naka-confine sa ospital.
Pagbalik ni Mercado ay laking gulat niya na natutupok na ang kanyang bahay at hindi na niya magawang mailigtas ang dalawang anak dahil sa laki na ng apoy na kumalat sa mga katabing kabahayan.
Karamihan sa mga bahay ay gawa sa light materials kung kaya’t madaling kumalat ang apoy.
Nabatid na nawawala ang batang si CJ sa kasagsagan ng sunog at patay na ito nang matagpuan kinaumagahan.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, nakalabas na umano ng bahay si CJ, pero bumalik pa ito sa kanilang bahay nang hindi makita sa labas ang kanyang ama.
Umaabot sa 50 kabahayan ang nilamon ng apoy at hindi bababa sa P1 milyon halaga ng mga ari arian ang naabo.