MANILA, Philippines - Lasog ang katawan ng isang babae na hinihinalang estudyante ng University of the Philippines-Los Baños, matapos itong tumalon mula sa ika-7 palapag ng isang condominium kamakalawa sa Malate, Maynila.
Inilarawan ng pulisya ang biktima na nasa pagitan ng 19-20-anyos, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 5’6”, nakasuot ng kulay maroon na shortpants at round neck na t-shirt na may logo ng University of the Philippines Los Baños, Institute of Human Nutrition and Food Performing School in Nutirition and Dietetics, nakasuot din ng gray jacket, mahaba ang buhok na kulay blonde.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:00 ng hapon nang tumalon ang biktima mula sa ika-7th palapag ng Grand Towers Manila Condominium na matatagpuan sa 790 P. Ocampo St., Malate.
Bago ang pagtalon ay nakita sa CCTV footages ang biktima na galing sa ika-29 palapag at sumakay sa elevator dakong alas-3:41 ng hapon at bumaba ito ng 7th floor kung saan matatagpuan ang amenities ng condominium.
Dito ay nakita ang biktima na hinubad ang suot na tsinelas at tumuntong sa isang planters box bago inakyat ang concrete fence na may taas na 5 talampakan at tumalon.
Bumagsak ang biktima likurang bahagi ng condo na nakita ng isang Lucky Tinio, 20, estudyante ng St. Benilde College habang nakatayo ito sa harapan ng kanilang bahay sa 2671 Alunan St., Malate.