MANILA, Philippines - Kung ang iba ay nagpapakamatay sa pamamagitan ng pagbaril, pag-inom ng lason, pagbibigti, pagtalon sa gusali at pagpapasagasa sa sasakyan ay kakaiba ang pagpapakamatay ng isang 21-anyos na kolehiyala nang pasabugin nito ang sarili gamit ang isang granada naganap kamakalawa sa bayan ng T’boli, South Cotabato.
Nagkagutay-gutay ang katawan ng biktima na kinilalang si Juralidine Ming, criminology student sa Regency Polytechnic College sa bayan ng Marbel.
Batay sa ulat ni Supt. Ricky Rebua, Chief of Police ng T’boli South Cotabato bandang alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa bukid na pag-aari ng pamilya ng biktima.
Ayon sa salaysay ng kapatid ng biktima sa pulisya, nagtungo ang biktima sa kanilang bukirin at nakita pa ito ng kanyang bayaw na umano’y malungkot at tulala.
Ilang saglit pa ay isang malakas na pagsabog ang yumanig sa lugar na unang inakala ng mga kapamilya ay isang uri lamang ng paputok.
Nang kanilang puntahan ang pinanggalingan ng pagsabog ay nagulantang sila nang makitang nagkagutay-gutay ang katawan ng biktima.
Narekober sa lugar ang shrapnel ng granadang pinasabog ng dalaga sa kanyang sarili.
Tumanggi namang tukuyin ng pamilya ang mabigat na problema ng dalaga. Habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.