MANILA, Philippines - Natagpuang patay kahapon ng umaga ang isang kawani ng bangko sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang panyo ng kainuman nitong bakla sa Valenzuela City.
Ang nasawi ay kinilalang si Cris Dumo, 22, ng El Grande Homes, Barangay Gen. T. De Leon ng lungsod, computer encoder ng Bank of the Philippine Island (BPI) sa Makati City.
Pinaghahanap naman ang baklang huling kasama ng biktima sa pag-iinuman.
Bago natagpuang patay ang biktima dakong alas-7:00 umaga sa gilid ng Our Lady of Lourdes College sa Quintin Demitillo St., Barangay Gen. T. De Leon ng nabanggit na lungsod ay bumili ito ng alak sa tindahan at kapitbahay na si Nonilo Magalong, Jr., 37, pasado alas-11:00 ng gabi.
Ilang minuto ang nakakalipas ay sinabihan ni Magalong ang biktima na magsasara na at kung gusto pang uminom ay sa loob na lang ng bahay niya ituloy na sinang-ayunan ng huli.
Ilang saglit lang uminom sa loob ng bahay ni Magalong ay nagpaalam na ang biktima at sinabing may susunduin lang na kaibigan.
Bumalik ang biktima kasama ang kaibigang bakla at muling uminom at ilang minuto ay umalis na ang dalawa sa bahay ni Magalong dahil sa tulog na ito.
Kinaumagahan ay nagulat na lamang si Magalong sa balita na natagpuang patay ang biktima at naiwan pa sa leeg ang isang scarf na posibleng ginamit ng suspek sa pagsakal at pagpatay dito.