MANILA, Philippines - Isang money lending firm na malapit sa kampo ng pulisya ang sumambulat makaraang sumabog ang ikinabit na granada sa pinto na ikinasugat ng 8 katao kabilang ang dalawang pulis kahapon ng umaga sa Cagayan De Oro City.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina SPO2 Ronelio Mendiola, miyembro ng Police Station 8 ng Cagayan de Oro City Police; ret. SPO2 Rogelio Cabutad at guwardiya ng establisyemento na si Jay-R Palma, nasa kritikal na kondisyon, ang mga sibilyang biktima na sina Danny Ragnag;Varceliza Salamanca, empleyado ng lending firm; Fritzie Pios; Roderick Cadevit at Fernando Viernes na isinugod sa Capitol University Medical Center at Northern Mindanao Regional Medical Center.
Batay sa ulat, dakong alas-8:05 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa harapan ng Golden Sun Finance Corporation na matatagpuan sa kahabaan ng Recto Avenue, Brgy. Lapasan may ilang metro lamang ang layo sa Camp Vicente Alagar, ang himpilan ng PRO 10.
Ang sumambulat na granada ay natukoy na isang uri ng MK2 grenade na itinali sa pintuan ng lending firm kaya nasapul ang guwardiya na nasa kritikal na kondisyon.
Nabatid na binubuksan ang pintuan ng lending firm ng nasabing guwardiya katulong ang dalawang empleyado nang biglang sumambulat ang granada na ginamitan ng ‘booby trap’ na kapag binuksan ang pinto ay mahihila ang tali sa pin.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung may kinalaman sa pyramiding scam na bumiktima ng libu-libong katao sa rehiyon ng Mindanao ang pagpapasabog bagaman wala pa itong basehan sa kasalukuyan.
Sinasabing maraming nangutang sa nasabing lending firm na sinampahan ng kaso matapos na mabigong magbayad kung saan ang pera ay posible umanong ini-invest sa pyramiding scam na Aman Futures Philippines Inc., na nakabase sa Pagadian City at Rasuman group naman sa Marawi City, Lanao del Sur.