MANILA, Philippines - Tinutugis na ng pulisya ang isang suspek sa pagpatay kay University of the Philippines-Los Baños (UPLB) Maria Victoria Reyes, 19-anyos, 3rd-year college sa kursong Agriculture student na kinilalang si Benigno Nayle Jr, jobless at residente sa kalapit na subdibisyon ng biktima sa Ferlins Subdivision, Barangay San Vicente, Biñan City, Laguna.
Ayon sa mga saksi nakita nila ang suspek na mabilis na lumalabas mula sa bahay ng pamilya Reyes na duguan ang damit patungong sa national highway.
Nakita rin ng mga saksi na nakasuot ang suspek ng bullcap at nagpapalit ng damit na kinuha nito sa kanyang dalang bag habang tumatakas.
Nang lusubin ng mga otoridad ang bahay ng suspek at iba pa nitong kaanak ay wala na doon ang mga ito.
Magugunita na natagpuan ang duguang katawan ng biktima sa kanyang kuwarto noong Lunes ng alas-12:40 ng hapon ng ama nitong si Sixto.
Isinugod ng ama ang anak sa Perpetual Medical Center, subalit idineklara itong dead on arrival.
Pagnanakaw ang motibo ng pagpatay sa biktima dahil sa nawawala ang laptop, camera, cellphone at hindi pa madeterminang halaga ng salapi.
Nabatid na nag-iisa ang biktima sa bahay nang ito ay pasukin ng mga suspek na dumaan sa harapang gate ng bahay.