MANILA, Philippines - Isang American national na umano’y bigtime drug supplier ang nadakip ng mga operatiba ng PNP- Anti Illegal Drug Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at nakumpiska ang may P50-M halaga ng shabu sa isang raid sa isang condominium unit sa Makati City kahapon ng tanghali.
Kinilala ang suspek na si Brian Hill, 32, may apat na taon ng naninirahan sa Pilipinas.
Batay sa ulat, bandang alas-11:00 ng umaga nang salakayin ng mga otoridad ang Column Tower sa kanto ng Ayala at Gil Puyat sa lungsod.
Nasamsam mula sa 10 floor ng Column Tower na inookupa ni Hill ang isang kilo ng shabu at karagdagan pang 9 kilo sa isang Pajero nito na red plate (SEP-825) na nakarehistro sa NAPOCOR o kabuuang sampung kilo na nagkakahalaga ng P50 milyon.
Nabatid na ang nasabing suspek ay kararating lamang nitong Lunes ng gabi galing Hong Kong at inaalam pa kung miyembro ito ng Hong Kong triad drug syndicate.
Ang pagsalakay ay isinagawa matapos na may mag-tip hinggil sa dalang droga ng suspek at sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Fernando Sagun ng Quezon City Regional Trial Court Branch 78.
Ayon sa otoridad na ang suspek ay siyang supplier ng illegal na droga kabilang ang ilang mga kilalang personalidad sa Makati City.