MANILA, Philippines - Sa muling pagsasagupa ng tropa ng pamahalaan at NPA rebels ay nasawi ang pitong sundalo at limang rebelde habang nasugatan ang 16 iba pa kahapon ng umaga sa Brgy. Mabayad, San Guillermo, Isabela.
Pansamantalang hindi muna tinukoy ni Army Acting Spokesman Col. Cirilito Sobejana ang pagkakakilanlan ng mga nasawing sundalo dahilan kailangan pang impormahan ang kanilang mga pamilya.
Habang ang mga nasugatan sa panig ng tropa ng militar ay mabilis namang isinugod sa pagamutan sa Cauayan City, Isabela para malapatan ng lunas.
Batay sa ulat, ng Army’s 502nd Infantry Brigade, bandang alas-5:00 ng umaga nang paulanan ng bala ng tinatayang 30 mga armadong rebelde mula sa Benito Tesorio Command ang tropa ng Army’s 52nd Division Reconnaissance Company sa pamumuno ni 2nd Lt. Torre Palma sa Brgy.Mabayad, San Guillermo malapit sa bayan ng Echague.
Bago ang matinding bakbakan sa San Guillermo ay sinabi ni Sobejana na nakasagupa rin ng 51st Reconnaissance Company ang grupo ng mga rebelde sa Brgy. Ganalan, San Mariano bagaman wala namang naiulat na nasawi at nasugatan sa insidente.
Nagawa namang makatangay ng mga armas ang mga rebelde at patuloy pa rin inaalam kung anu-anong armas ang nakuha ng mga rebelde sa encounter site.
Pinabulaanan naman ni Sobejana ang pahayag ng Benito Tesorio Command na sumurender sa kanila ang mga nasugatang tropa ng militar na umano’y binigyan pa ng first aid sa encounter site sa pagsasabing isa lamang itong uri ng black propaganda.