MANILA, Philippines - Napatay sa isang shootout ang lider ng kidnap for ransom habang naaresto ang limang kasama nito kabilang ang dalawang dating sundalo sa isinagawang operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Surigao City, Surigao del Norte kamakalawa ng hapon.
Ang napatay na lider ay kinilalang si Dino Patosa, lider ng Patosa gang ng Giganquit, Surigao del Norte.
Ang grupo ni Patosa bukod sa kidnapping ay sangkot rin sa kaso ng gun–for-hire at robbery/holdup sa CARAGA Region.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., pinaputukan ng grupo ni Patosa ang mga operatiba ng Surigao City CIDG sa pamumuno ni Sr. Inspector Gerson Soliven na nagresulta sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Wala namang nasugatan sa mga operatiba ng Surigao City CIDG na nakasagupa ng nasabing grupo.
Arestado naman matapos masukol ng mga pulis ang mga suspek na sina Glober Aleria, 37 ng Maramag, Bukidnon; Gerry Obenita, 27, ng Lianga, Surigao del Sur; pawang dating miyembro ng Philippine Army; Ronald Brunio, 30, ng Cagayan de Oro City; Julito Beling, 42 ng Claver, Surigao del Norte at Norie Apac, 40 ng Malimono, Surigao del Norte.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang motorsiklo na gamit ng grupo, isang fragmentation grenade, dalawang cal. 45 pistol, isang homemade caliber 5.56 revolver at sari-saring mga bala.
Inihayag din ni Pagdilao na nasilat ang planong pagdukot ng mga suspek sa isa sa miyembro ng prominenteng pamilya Laurente sa Surigao City.