MANILA, Philippines - Isang negosyante at recruiter ng multi-bilyong pyramid scam ang natagpuang patay kamakalawa matapos na ito ay dukutin ng mga armadong kalalakihan sa Zamboanga del Sur.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 9 Director P/Chief Supt. Napoleon Estilles ang biktimang si Anwar Alvin Zainal, 34-anyos.
Nabatid na si Zainal ay sinasabing isa sa mga recruiter ng mga biktima ng Aman Ventures, isang pyramid scam na nakabase sa Pagadian City na nakapambiktima ng 15,000 katao na naloko ng aabot sa P 12 bilyon sa Mindanao at maging sa Visayas Region.
Base sa imbestigasyon si Zainal ay puwersahang dinukot ng mga armadong kalalakihan na lulan ng kulay pulang Crosswind SUV sa harapan ng Land Transportation Office noong Lunes sa Brgy. Tiguma, Pagadian City, Zamboanga del Sur bandang alas-3:40 ng hapon.
Ang biktima na bukod sa pagre-recruit ng mga magi-invest sa pyramid scam ay isa ring car dealer.
Nabatid na dakong alas-6:00 ng umaga kamakalawa ay natagpuang patay ang biktima sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Balocot, Tambulig, Zamboanga del Sur.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung may kinalaman sa kaso ng multi-bilyong pyramid scam ang motibo ng pagdukot at pagpatay sa biktima.
Nanawagan naman ang opisyal sa mga naging biktima ng pyramid scam na huwag ilagay ang batas sa kanilang mga kamay.
Samantala, namataan ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakabalik na sa Malaysia ang ‘utak’ ng pyramiding scam na si Manuel Amalilio na sangkot sa pambibiktima ng may 15 libong katao sa Visayas at Mindanao.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang NBI sa International Criminal Police Organization o Interpol at sa Malaysian Embassy sa Pilipinas para matunton ang Malaysian na si Amalilio, CEO ng Aman Futures Group Inc.
Sinabi ni NBI Director Nonnatus Rojas na nagpadala na sila kahapon ng notice sa Interpol at Malaysian Embassy kung saan ipinaalam nila na si Amalilio ay nasampahan na ng reklamo sa prosecutor’s office sa Pilipinas.
Ayon kay Rojas, sa oras na kumpirmahin ng mga otoridad sa Malaysia na naroon nga sa kanilang bansa si Amalilio ay hihilingin naman nila na maipa-deport ito sa Pilipinas.
Gayunman, walang umiiral na extradition treaty o mutual legal assistance treaty sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia kaya aminado si Rojas na hindi nila agad mahihiling ang pagpapa-deport kay Amalilio dahil wala pa namang naiisyu na warrant-of-arrest laban sa kanya.