4 tiklo sa P15-M shabu buy-bust

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P15 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga otoridad na ikinaaresto rin ng apat na suspek kabilang ang dalawang Chinese national sa isinagawang buy-bust kahapon ng umaga sa Quezon City.

Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Sam Ming Hei, 22; at Ming Tony Molina, 28; pawang Chinese national na naninirahan sa Pasig City; Byron Pornillosa, 32 ng Pagbilao, Quezon at Arnold Laluces, 44  ng Rosario, Pasig City.

Sa ulat ni PNP Anti Illegal Drugs Special Ope­rations Task Force (PNP-AIDSOTF) Spokesperson Chief  Inspector Roque Merdeguia, bandang alas-9:30 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang PNP-AIDSOTF at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pakikipagkoordinasyon sa National Capital Region Police Office at Quezon City Police District sa Economia kanto ng Indus­tria Sts., Brgy. Bagumbayan ng lungsod.

Nabatid na isang poseur buyer ng mga otoridad ang nakipag-deal sa mga suspek na bibili ng illegal na droga at  nagkasundong magkikita sa nasabing lugar para sa nasabing mga epektos.

Ayon kay Merdeguia, inaresto ang mga suspek sa aktong iniaabot sa kanilang poseur buyer ang tatlong kilo ng  high grade shabu na nagkakahalaga ng P 15 milyon.

Bukod sa droga nasam­sam rin sa mga suspek ang dalawang behikulong gamit ng mga ito sa kanilang illegal na operasyon, drivers license, limang cell phone apat na wallet at mga doku­mento.

Bago isinagawa ang buy-bust ay isinailalim sa halos isang linggong surveillance operation ang mga suspek matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagbebenta ng shabu.

Show comments