MANILA, Philippines - Pawang mga bangkay na nang madiskubre ang isang mag-ina at kanilang kasambahay matapos na sila ay ataduhin ng saksak ng isang lalaki na residente sa lugar na nanloob sa kanila kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Evelyn Tan, 40, Vice President for Loan Department sa BDO-Makati Branch, ina nitong si Teresa, 65-anyos at kasambahay nilang si Cristina Medalla Bartoloy, 22, pawang residente ng no. 2017 Yakal St., Sta Cruz, Maynila.
Ang itinuturong suspek ay nakilalang si Nestor Felizalde Jr., 34, residente ng no. 1299 Camarines St, Sta. Cruz, Maynila.
Ang suspek ay may mga rekord sa pulisya ng mga kasong robbery at nakulong na sa Manila City Jail.
Batay sa ulat, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang madiskubre ang krimen ng isang Francis Lalin, isang driver ng rent-a-car, na nagtungo sa bahay ng mga bikitma.
Bago nadiskubre ang krimen, ilang beses umanong tini-text at tinatawagan ni Lalin si Evelyn para sunduin sana ito patungong airport kung saan may official business trip ito sa Beijing, China.
Subalit, walang sumasagot kaya nagpasiyang magtungo na lamang sa bahay nito at pagdating ni Lalin sa bahay ay sarado ang pintuan at hindi siya pinagbubuksan sa kabila ng kanyang mga pagkatok.
Kaya ipinaalam ni Lalin sa barangay, na nagpunta agad at hindi rin pinagbubuksan sa kanilang mga pagkatok.
Kaya naman ay ini-report na nila ito sa pulisya at nang puwersahang buksan ang bahay ay doon nadiskubre ang mag-ina na duguang nakabulagta sa sala na laslas ang mga leeg habang ang kasambahay ay malapit sa pintuan.
Natagpuang din sa crime scene ang duguang t-shirt at sapatos na hinihinalang naiwan ng suspek.
Naniniwala naman ang pulisya na nakapasok sa bahay ang suspek sa pamamagitan nang pagdaan sa likurang pintuan na malapit sa isang estero.
Malaki ang hinala ng pulisya na pagnanakaw ang motibo ng krimen ay dahil nawawala ang bag ni Evelyn na naglalaman ng mga gamit at pera at nabatid din sa mga residente sa lugar na mamudmod ng tig-P100 ang suspek sa kaniyang mga nakakasalubong habang tumatakas.