MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang radio anchor reporter na si Julius Cauzo, 51, matapos itong pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo kahapon ng umaga sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Nabatid na si Cauzo, reporter-anchor ng lokal na himpilan ng DWJJ radio at reporter ng DZRH at residente ng Olympia Village, Magsaysay Norte ng lungsod na ito ay tumatayong Executive Vice President ng Nueva Ecija Press Club na umano’y nakatanggap ng mga pagbabanta sa buhay bago ang insidente.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala ng cal. 45 pistol sa likod na naglagos sa kaniyang dibdib na nabigo ng maisalba ang buhay sa Good Samaritan Hospital si Cauzo.
Batay sa ulat, bandang alas-8:38 ng umaga habang nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima nang sundan ito ng mga salarin na nakasuot ng helmet na lulan naman ng kulay itim na CMX motorcycle at pagbabarilin sa kahabaan ng Flowerlane, Brgy. Aduas Centro ng lungsod at ilang saglit ay mabilis na tumakas.
Ang biktima ay isang hard hitting na anchor-reporter na madalas banatan ang mga kaso ng korapsiyon at katiwalian sa Nueva Ecija partikular na sa lungsod.