MANILA, Philippines - Mas pabor umano sa mga Pinoy sa US ang muling pagkapanalo ni President Barack Obama.
Ito ang paniniwala nina Senators Panfilo Lacson at Lito Lapid dahil pumapabor si Obama sa mga immigrants.
Ayon kay Lapid, base sa kaniyang mga naririnig sa mga interview ng mga Pinoy sa Amerika, malaking bagay para sa mga Filipino sa US ang pagka-panalo ni Obama.
Sinabi naman ni Lacson na tiyak na nagbubunyi ang mga Filipino sa Amerika dahil isang Democrat ang nanalo na mas mabait umano sa mga immigrants.
Malaking tulong din aniya sa bansa ang mahigit na 2 milyong immigrants na nasa Amerika na nagpapadala rin ng dolyar sa bansa.
Pero, inamin ni Lacson na mas pinapanigan niya ang Republican dahil mas proactive umano ang mga ito at mas mahigpit pagdating sa seguridad hindi lamang ng Amerika kundi ng mundo.