MANILA, Philippines - Isang security guard ang binaril ng kanyang kabaro dahil sa umano’y hindi nito pagbabayad sa matagal nitong utang na pera naganap kahapon ng umaga sa Quezon City.
Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa ospital ay kinilalang si Romel Ramos, 21, binata, security guard ng Asiatic Security and Investigation Agency at naninirahan sa Block 11, H. Bautista St., Concepcion Uno, Marikina City.
Tumakas naman ang suspek na kinilalang si Romeo Acido, 45, kasamahan ng biktima at naninirahan sa 175 Cristobal St., Paco, Maynila.
Sa pahayag sa pulisya ng sekyung si Jonathan Tidios, kapapalit lamang umano sa kanya ng karelyebong suspek nang makarinig siya ng putok dakong alas-6:15 ng umaga sa harap ng gusali ng Apex Import Marketing Corporation na matatagpuan sa may 57-B Judge Juan Luna, Brgy. San Antonio sa lungsod.
Nang lumabas si Tidios para alamin ang putok ng baril ay nakita niya ang duguang biktima na nakasalampak sa lupa, habang tumatakbo ang suspek dala ang kanyang service firearm.
Lumalabas sa imbestigasyon na matagal na umanong may alitan ang suspek at biktima noong magkasama pa ang mga ito sa gusali ng Apex dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng utang na pera ng huli sa una na matagal ng panahon.
Para matigil ang kanilang bangayan ay nagpasya ang kanilang amo na ilipat ng ibang destino ang biktima.
Kaya noong umaga iyon ay nagpunta ang biktima sa Apex at dito ay nasalubong siya ng suspek at muling siningil sa utang hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pamamaril.