MANILA, Philippines - Isang lasing na seaman ang nag-amok at walang habas na namaril na ikinasawi ng apat katao kabilang ang kanyang live in partner habang apat ang nasa kritikal na kalagayan naganap kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nasawi noon din ang live-in partner na si Eden Dela Cruz, 37, ng Phase 1, Dulo, Tierra Nova, Royale Subdivision, Bagumbong ng nabanggit na lungsod.
Idineklarang dead-on-arrival naman sa Bernardino Hospital sina Benjamin Templonuevo, 17 at Arnold Dizon, 32, kapwa residente ng nasabing lugar at Elizabeth Templonuevo, 48, na hindi rin umabot ng buhay sa Novaliches General Hospital.
Nasa kritikal na kalagayan sa East Avenue Medical Center ang mga biktimang sina Archie Artugue, 23; Julius Bernardo, 19; Maria Dina Lagonerio, 23 at Jover Ricana, 15, pawang residente rin ng nasabing lugar.
Agad na nadakip ang suspek na si Rolly Rapit, 33, live-in ni Dela Cruz.
Batay sa ulat, bago naganap ang pamamaril ng suspek dakong alas-10:15 ng gabi ay umuwi itong lasing sa kanyang bahay at inaway ang ka-live in na si Dela Cruz dahil sa selos.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa kunin ng suspek ang kanyang kalibre .9mm na baril at pinutukan ang live-in partner.
Nang papatakas na ang suspek ay nadaanan nito ang nagkakasayahang kapitbahay dahil sa may nagdiriwang ng kaarawan doon.
Lumapit ang suspek at pinaulanan ng bala ang mga tao sa loob hanggang sa maubusan ng bala.
Dito lamang napigilan ang pagwawala ng suspek hanggang sa magdatingan ang mga pulis at inaresto ito na kung saan ay nahaharap sa mga kasong kriminal.