Parak, 7 pa dakip sa tupada

MANILA. Philippines - Isang raid ang isinagawa ng pulisya sa isang tupada o illegal na sabu­ngan at dito ay naaresto ang  8 katao kabilang ang isang pulis kamakalawa sa Brgy. Marigondon, Lapu-Lapu City.

Kinilala ang inarestong pulis na si PO3 Artemio Tumakay, nakatalaga sa Consolacion Police Precinct na umano’y siyang nangunguna sa illegal na tupada sa nasabing lugar.

Arestado rin sa ope­rasyon ang mga sibilyang sina Florencio Amores, 56; Conrado Potot, 59; Rolando Catadman, 47; Gabriel Aton, 48; Domingo Aton, 52; Nestor Amodia , 43 at  Rey Potot, 27; pawang residente ng naturang barangay.

Nasamsam naman sa operasyon ang tatlong panabong na manok, anim na tari at P 400 cash.

Batay sa ulat, bandang ala-1:30 ng hapon nang salakayin ng mga operatiba ng nasabing tupadahan sa lugar base sa ibinigay na impormasyon ng isang concerned citizen.

Dito ay tinangka pang ha­rangin ni PO3 Tumakay ang raid sa pagsasabing pagbigyan na ang mga mag­sasabong dahilan sa selebrasyon ng piyesta sa barangay.

Subalit, walang maipa­kitang dokumento si PO3 Tumakay na pinahintulu­tan ng pamahalaang lungsod ang tupada kaya ina­resto rin ito ng mabatid na nagsisilbing protektor ng nasabing illegal na sa­bungan.

Kasong administratibo at kriminal ang ikinaso kay PO3 Tumakay habang sinampahan na rin ng ka­ukulang kaso ang mga sibilyang nahuli.

 

Show comments