MANILA, Philippines - Nahintakutan ang mga pasahero ng Cebu Pacific matapos na isang hindi nagpakilalang texter ang magpadala ng mensahe hinggil sa mga bomba na karga ng dalawang eroplano na sasabog anumang oras sa Bancasi airport, Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa ng alas-2:00 ng hapon.
Lumalabas sa imbestigasyon, nakatanggap ng text message si Engineer Maria Palo, pinuno ng control tower ng Bancasi airport hinggil sa bomba umano na nasa loob ng isa sa mga bagahe ng Cebu Pacific Flights 5J 224 at 5J 788.
Nabatid na kasalukuyang magta-takeoff na ang nasabing mga eroplano na biyaheng Cebu (5J 224) at Maynila (5J 788) nang pigilan itong lumipad ng Aviation Security Group at pababain muna ang mga pasahero.
Agad namang ininspeksyon ng mga operatiba ng Explosive Ordnance Disposal Teams ng Butuan City Police Office at Army’s 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army bitbit ang mga K 9 dogs ang mga bagahe at mga kargamento ng naturang mga eroplano.
Matapos ang masusing pag-iinspeksyon ay idineklarang negatibo sa bomba ang dalawang eroplano na pinayagan ng lumipad matapos na maantala ng ilang oras ang biyahe.