Inihulog sa hukay... 9-anyos DINEDO ng 11-anyos
MANILA, Philippines - Namatay sa pagkalunod ang isang 9-anyos na batang lalaki nang itulak sa isang hukay na puno ng tubig sa loob ng isang construction site matapos tumanggi ang una na magbigay ng pera sa ginagawang pangingikil ng huli, naganap kamakalawa sa Taguig City.
Patay na nang maiahon dakong alas-10:00 ng umaga nitong Miyerkules ang katawan ng biktima na itinago sa pangalang “KS”, residente ng Mini Park, Fort Bonifacio, sa malalim na hukay sa loob ng HiBuild construction area sa may 26th Street, The Fort, Fort Bonifacio, ng naturang lungsod.
Nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development-Taguig ang suspek na itinago sa alyas na “SR”, residente ng Sta. Ana, Pateros.
Batay sa ulat, noong Oktubre 28, dakong alas-12:45 ng tanghali ay naglalaro ang biktima kasama ang isang kalaro na si alyas JB sa loob ng naturang construction site nang dumating ang suspek at isa pang hindi nakilalang kasamahang bata at kinikilan ng pera ang dalawa.
Nang tumanggi ang dalawa ay ginulpi sila ng suspek at kasama hanggang sa itulak ni SR ang nasawing si KS sa hukay na puno ng tubig habang nagawang makatakbo ng kasamahan nitong si JB.
Nagawa lamang mailahad ni JB ang nangyari sa biktima nang magtungo sa kanilang bahay ang mga magulang nito nang hindi umuwi ng dalawang araw si SR.
Mabilis na humingi ng saklolo ang mga magulang ng biktima sa mga opisyal ng barangay at Fort Bonifacio Police Community Precinct (PCP) na siyang sumisid sa naturang hukay sa construction site kaya nagawang marekober ang bangkay ng paslit.
Nakatakdang sampahan ngayon ng kasong sibil ng mga magulang ng nasawing paslit ang mga magulang ng suspek na bata habang inaalam kung may kapabayaan ang operator at may-ari ng construction site.
- Latest