MANILA, Philippines - Hinatulan ng bitay ang isang 61-anyos na Pinay dahil sa pagpupuslit ng mahigit limang kilo ng illegal drugs sa Vietnam.
Sa ulat na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), parusang kamatayan ang iginawad ng Hanoi court sa Overseas Filipino Worker (OFW) na kinilalang si Amodia Teresita Palacio dahil sa pagdadala ng may 5.4 kilogram ng synthetic drugs o methamphetamine habang papasok sa Noi Bai International Aiport sa Hanoi noong Abril 27.
Si Palacio ay nagtungo sa Vietnam mula Bangkok, Thailand sa rutang Doha-Bangkok-Hanoi.
Base sa rekord ng korte, binayaran umano si Palacio ng halagang US$3,000 ng isa niyang kaibigan na nagngangalang Joselyn upang dalhin ang ilegal na droga mula Bamako, ang capital ng Mali, patungong Vietnam.
Tinanggap umano niya ang dalawang suitcase na naglalaman ng nasabing droga sa isang African national bago siya bumiyahe patungong Vietnam.
Si Joselyn at isang hindi pinangalanang African ay pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.
Sinabi ni Palacio sa Vietnamese Police na ito ang kauna-unahan niyang pagpunta at pagpuslit ng droga sa Vietnam subalit sa isinagawang pagsisiyasat ng Vietnamese authorities ay napag-alaman sa immigration record nito na walong beses na siyang nakapasok sa nasabing bansa.