MANILA, Philippines - Apat na holdaper na sakay ng dalawang motorsiklo ang napatay sa magkahiwalay na shootout sa Sta.Cruz, Maynila at Biñan, Laguna, naganap kahapon ng madaling-araw.
Sa Maynila, inilarawan ang dalawang suspek na kapwa nasa pagitan ng 30-35-anyos, may taas na 5’6”, ang isa ay nakasuot ng asul na t-shirt at maong pants, habang ang isa ay kulay maroon na t-shirt.
Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng madaling-araw ay nagsasagawa ng pagpapatrulya sa kanto ng Felix Huertas at Batangas Sts., Sta. Cruz, Maynila sina SPO3’s Rowell Robles at Anthony Carpio; SPO1 Alex Moreno at PO3 Nestor Lehetemes Jr., ng MPD-Station 3 sakay ang Mobile car 3306 nang may biglang bumaril sa kanilang sasakyan at tinamaan ang windshield, kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis at bumulagta ang dalawang suspek.
Nabatid na ang dalawang napatay na suspek ay unang hinoldap ang dalawang vendor na sina Adoracion Dela Cruz, 44, ng Tondo, Maynila at Gina Manimtim na kinuha ang kanilang mga bag na naglalaman ng P8,000 cash at Nokia cell phone habang naglalakad.
Narekober sa mga suspek ang pouch bag ng mga biktima, isang 9mm at kalibre 38 na baril na hinihinalang ginamit sa panghoholdap at pamamaril sa mga pulis.
Napatay din ng Laguna police ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa isang shootout kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Brgy.Tubigan, Biñan, Laguna.
Ayon kay Laguna police director, Senior Superintendent Fausto Manzanilla, na kasalukuyan ay wala pang pagkakakilanlan sa mga napatay na suspek na nasamsaman ng dalawang caliber .38 pistol, Yamaha motorcycle (RD-7100), plastic sachet ng shabu at sketch map ng kanilang bibiktimahin na mga tao at establisyimento.
Nabatid kay Manzanilla na ang dalawang suspek ay sakay ng kanilang motorsiklo nang baliwalain ang police checkpoint sa kahabaan ng Barangay Tubigan pasado alas-2:20 ng madaling-araw kung kaya’t hinabol ang mga ito.
Malaki ang paniniwala ng pulisya na patungo ang mga suspek sa target nilang biktima nang ito ay maharang na ikinagalit ng mga ito kung kaya’t binaril ang mga humahabol na pulis at nagkaroon ng palitan ng putok.