MANILA, Philippines - Mistulang hinabol ng kamatayan ang tatlong Pinoy seaman dahil matapos silang mailigtas sa lumubog nilang cargo ship na kanilang sinasakyan ay namatay din ang mga ito nang ang isang coast guard ship na sumasagip sa kanila ay tumaob nang hampasin ng malaking alon sa karagatan na sakop ng Jiju Island, South Korea noong Huwebes.
Sa ulat ng Philippine Labor Attache’ sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinumpirma ng Jiju Coast Guard na tatlo sa limang nasawing crew ay mga Pinoy na kinilalang sina Henry Morada; Blert Hautea; at Jayson Sazon at dalawang Chinese na kabilang sa 19 crew na lulan ng MV Shinline, isang Malaysian cargo vessel na lumubog nang hampasin ng malakas na alon habang naglalayag sa may Jiju island.
Agad na nagpadala ng distress call ang Shinline vessel sa Jiju Coast Guard na agad na nagresponde sa lugar at dito ay dalawang bangka ng coast guard ang dumating.
Gayunman, habang inililipat ang mga 19 tripulante na kinabibilangan ng 13 Chinese at 6 Filipino na sakay ng nasirang Malaysian cargo ship sa isa sa dalawang bangka ng South Korean Coast Guard ay lumubog din ito matapos hambalusin ng malakas na alon.
Sinabi ng mga coast guard officers na lahat ng Asian sailors ay kasamang lumubog sa tubig sanhi upang malunod ang tatlong Pinoy at dalawang Chinese crew
Nadala pa ang mga “unconscious” na biktima sa pagamutan, subalit idineklarang mga patay habang isang coast guard officer ang sugatan.