Grand slam
Hindi mahaba ang magiging pahinga ng TNT dahil agad susulong ang PBA Season 49 Philippine Cup sa Biyernes.
Syempre, TNT at Barangay Ginebra ang huling magpapasimula ng kanilang kampanya sa season-ending all-Filipino tourney.
Pero siguradong pagod pa ang kanilang mga paa at nagpapalakas pa ng katawan sa oras na muling sasabak sa laban.
Wala naman ibang option ang Tropang Giga kung hindi ihanda ang sarili dahil mabigat na premyo ang kanilang hahabulin – ang huling jewel na kukumpleto sa grand slam season.
Malaki ang target, malaki ang motibasyon, pero malaki rin ang pasanin.
Numero uno, wala na si Rondae Hollis-Jefferson at wala pa rin si Jayson Castro.
Malaki ang bibitbitin nina Rey Nambatac, Calvin Oftana, Roger Pogoy, Kelly Williams at Poy Erram sa paghabol sa tsansang mapasama sa elite list of PBA grand slam teams na binubuo ng Crispa (twice holder), San Miguel Beer, Alaska Milk at San Mig Coffee.
Sa kasagsagan ng ratsada ng SMC “Death Squad” na pinamumunuan nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Chris Ross, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot, hindi nila natuhog ang Triple Crown.
Sa panahon na uminog ang liga sa two-conference seasons, wala rin nakakuha ng season sweep.
Ganoon kahirap ang Grand Slam.
Pero dahil sa back-to-back title runs, yakap ng Tropang Giga na habulin ito.
Ani coach Chot Reyes, hindi nangangayaw ang kanyang koponan, at ‘yan ang kanilang dadalhin sa paghabol sa Grand Slam.
- Latest