Jema Bell inangkin ang korona sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na sinikwat ng top favorite Jema Bell ang korona sa 3-Year-Old Maiden race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Hindi na pinaporma ng Jema Bell ang mga nakatunggali, paglabas ng aparato ay sinunggaban agad ang unahan upang hawakan ang dalawang kabayong agwat sa nasa pangalawang puwesto na Alagang Kingwash kasama ang Figure It Out sa backstretch.
Nakalapit ang Figure It Out sa Jema Bell sa kalagitnaan ng karera pero muling lumayo ang winning horse sa far turn para tuluyan na itong makaalagwa.
Pagdating ng huling kurbada ay nasa apat na kabayo na ang lamang ng Jema Bell sa mga katunggali kaya magaan nitong nasikwat ang panalo.
Tinawid ng Jema Bell ang meta ng may anim na kabayong agwat sa pumangalawang Alagang Kingwash, tersero ang Atty. Wynona at pumang-apat ang Figure It Out.
Ginabayan ni jockey Christian Garganta ang Jema Bell, nirehistro nito ang tiyempong 1:28.6 minuto sa 1,400 meter race.
- Latest