Thunderbelles may patutunayan
MANILA, Philippines — May nais patunayan ang ZUS Coffee sa kanilang paglalaro sa quarterfinal round ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
“For me, laban talaga kasi ito ‘yung gusto namin eh. Kaya nga kami nandito kasi para lumaban and ipakita sa lahat ‘yung skills namin,” ani Thunderbelles’ setter Cloanne Mondoñedo sa pagsagupa nila sa Petro Gazz Angels.
Nakatakda ang Game One ng kanilang best-of-three series ngayong alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon ay magtutuos ang nagdepensang Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers.
Nakasampa ang ZUS Coffee sa quarterfinals matapos talunin ang Cignal HD at Capital1 Solar Energy sa play-in tournament. Ngunit pinapaboran ang Petro Gazz sa kanilang serye.
“The championship is the goal. But we have to focus on what’s ahead of us. we have to take that game seriously,” ani Fil-Am Brooke Van Sickle ng Gazz Angels.
Muli niyang makakasama sina Myla Pablo, MJ Phillips, Remy Palma at Aiza Pontillas.
Itatapat ng Thunderbelles sina Mondoñedo, Jovelyn Gonzaga, Thea Gagate, Chai Troncoso at Michelle Gamit.
Tinalo ng Petro Gazz ang ZUS Coffee, 25-20, 24-26, 28-26, 25-22, sa una nilang pagkikita sa elimination round noong Pebrero 4.
Sa unang laro, muling babanderahan nina Alyssa Valdez, Tots Carlos, Jema Galanza, Michele Gumabao at Bernadeth Pons ang Creamline sa paharap kina Ara Galang, Cess Robles at Shaya Adorador ng Chery Tiggo.
- Latest